Agri dept magtatayo ng P50M ‘cutting facility’ sa Tanauan City

Agri dept magtatayo ng P50M ‘cutting facility’ sa Tanauan City

TANAUAN City, Batangas – Isang “cutting facility” ang nakatakdang ipatayo sa lungsod na ito na paglalaanan ng pondo ng Department of Agriculture (DA). Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary William D. Dar sa kanyang pagbisita sa lungsod noong ika-28 ng Agosto 2020 kung saan malugod siyang sinalubong ng mga kinatawan ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Mary Angeline “Sweet” Y. Halili. Ang naturang “cutting facility” ay may pondong 50 milyong piso. Ito ay magsisilbing tugon sa anumang magiging kakulangan sa supply ng mga dressed poultry products upang hindi na kailanganin ang pag-angkat nito.

Kasama si DA-CALABARZON Regional Executive Director Arnel V. de Mesa,
nagtungo ang kalihim sa Barangay Sambat upang personal na makita ang kasalukuyang sitwasyon ng ipinatatayong “Triple-A Slaughterhouse” na itinuturing na kauna-unahang modernong katayan sa bansa na pagmamay-ari ng pamahalaan. Inaasahang matatapos ang konstruksyon nito sa ika-1 ng Nobyembre ng taong kasalukuyan. Kabilang pa sa ininspeksyon ng mga kinatawan ng DA ang trading post o bagsakan ng lungsod na dinarayo ng mga residente mula sa karatig lugar upang dito kumuha ng “supply”ng sariwang gulay at prutas.

Lubos na pasasalamat naman ang agad na itinugon ni Mayor Halili at ng ibang kinatawan ng lokal na pamahalaan kasabay ang pagbibigay ng kasiguruhan sa Kalihim ng Kagawaran na higit na pag-iibayuhin ang pagsasaayos ng mga nabanggit na pasilidad at ang operasyon ng mga ito.

Kabilang sa mga nakiisa sa aktibidad ay sina City Administrator Allan P. Credo, Office of the City Veterinarian (OCVET) department head Dr. Aries Garcia, City Agriculture Office department head Rene Cunanan, Office of the Public Market trading post OIC Jeinnch S. Nones, at mga empleyado ng pamahalaang lungsod. (Maireen Jenzen Nones/IA/DS)

Featured Photo: Agriculture Secretary William Dar (left) in a conversation with Tanauan City Mayor Angeline “Sweet” Halili (right) during his recent visit to the city.

Leave a Reply