Yulo nagtala ng kasaysayan bilang unang Pinoy na world No.1 sa floor exercise

Yulo nagtala ng kasaysayan bilang unang Pinoy na world No.1 sa floor exercise

Ni Kyle Encarnacion

MANILA — Panibagong kasaysayan ang naitala ng kasalukuyang World Championships gold medalist na si Carlos Edriel Yulo matapos maging unang Pilipinong gymnast na naging World No. 1 sa rankings na inilabas ng International Gymnastics Federation (FIG).

Nagawang makihati ng Tokyo Olympic-bound na si Yulo bilang No.1 ranked gymnast sa Men’s Artistic Gymnastics (MAG) floor exercise event sa inilabas na pinakabagong apparatus world ranking ng namumuno na FIG.

Nakaipon ng kabuuang 70 puntos ang 2019 World Artistic Gymnastics Championships gold medalist na si Yulo para makasalo sa top spot si Rayderley Zapata ng Spain.

Nakuha nito ang 20 puntos sa paglahok sa 43rd Turnier Der Meister FIG Individual apparatus World Cup sa Cottbus, Germany noong 2018, 30 puntos sa FIG World Cup 2019 sa Melbourne, Australia at 20 puntos naman sa FIG World Cup 2019 Doha, Qatar.

Ang matitipong puntos kada panalo sa isang torneo ay sandigan ng FIG para madetermina ang mga makakatuntong sa susunod na taon sa Olimpiada sa Tokyo, Japan.

Ang isa pang paraan ay kung makakapagwagi ng ginto o plak na maggagarantiya sa isang atleta ng silya sa kada apat na taong Olimpiada.

Katatapos lang ng 20-anyos na si Yulo na magwagi ng dalawang tanso sa ginanap na 74th All-Japan Gymnastics Championships.

Kasalukuyan naman itong nasa No. 26 sa vault sa natipon nitong kabuuang 10 puntos mula sa iskor nito na limang puntos sa paglahok sa Melbourne, Australia at Doha, Qatar noong 2019.

Nasa ika-31 puwesto ito sa Parallel Bars sa natipong walong puntos sa paglahok sa Cottbus, Gernany noong 2018.

Matatandaang nagtala ng kasaysayan si Yulo bilang pinakaunang artistic gymnast ng Pilipinas na nanalo ng medalya sa World Championships nang makopo nito ang tanso sa floor exercise noong 2018 edisyon ng torneo sa Doha, Qatar.

Muli nitong dinagdagan ang kasaysayan matapos maging unang artistic gymnast ng bansa nakapagwagi ng ginto sa torneo sa floor exercise sa pagwawagi sa 2019 edisyon sa Stuttgart, Germany. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply