Humaharurot ng ambulansya inaro ang trike; 2 patay sa La Paz, Tarlac

Humaharurot ng ambulansya inaro ang trike; 2 patay sa La Paz, Tarlac

By Glen S. Ramos/Benjamin F. Cuaresma

LA PAZ, Tarlac — Dalawa katao ang agad na binawian ng buhay dito matapos na mabangga ng humaharurot na ambulansiya, Biyernes ng hapon.

Ang mga biktima, na sakay ng tricycle, ay kinilalang sina Noel Halili, 24, Randy Halili, 32, kapwa residente ng bayang ito.

Sa lakas ng pagkakabangga tumilapon sila sa sasakyan habang nahati ang tricycle sa dalawa.

Ayon sa La Paz Police Office, nag-overtake ang driver ng ambulansya sa dalawang truck bago sumalpok sa paparating na tricycle sa kaliwang bahagi. Walang sakay ang ambulansiya na sinumang pasahero sa oras ng insidente.

Sa narekober na dash cam mula sa ambulansiya, tinatayang ang sasakyan ay tumatakbo sa bilis na 120 kph o higit pa nang mangayri ang insidente.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang video recorder na gagamitin bilang ebidensiya sa imbestigasyon.

Nanawagan ngayon ang mga kamag-anak ng hustisya sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Iniwan ni Noel ang kanyang misis at dalawang batang anak habang si Randy ay naiwan ang kanyang asawa at tatlong musmos pang mga anak.

Ang iniwang pamilya ay sinasabing nag-alok na diumano ng tulong na Php100K ang pamilya ng ambulance driver bilang settlement kapalit ng hindi na nila pagsasampa ng kaso. (AI/FC/MTVN/EM)

Leave a Reply