Puwersahang paglikas isinagawa ng Cagayan PDDRMO sanhi ng pagbaha

Puwersahang paglikas isinagawa ng Cagayan PDDRMO sanhi ng pagbaha

By Glen S. Ramos/Benjamin F. Cuaresma

TUGUEGARAO CITY, Cagayan — Inatasan ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) noong Linggo ang lokal na pamahalaan ng probinsiya na ipatupad ang puwersahang paglikas sa mga residente sa mga kritikal na lugar lalo na sa mga nakatira sa mabababang bahagi ng mga barangay at malapit sa ilog dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam.

Binuksan ang anim na spillway ng dam makaraang umabot na sa water level nitong 191.61 meters, malapit na sa critical spilling level na 193 meters upang maiwasan ang panganib sa istruktura.

Ayon kay Daisy Mamauag ng Cagayan PDRRMO, ang lebel ng tubig ay inaasahang tataas pa dahil sa patuloy na pag-ulan epekto na rin ng Tropical Depression Vicky.

Aniya pa, ang Pinacanauan Overflow bridge na tumutumbok hanggang Tuguegarao at iba pang pangunahing kalsada ay hindi na madadaanan dulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nagpalabas na si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ng Memorandum Order No. 561 noong December 19, 2020, na i-deploy ang CDRRMC at Barangay Disaster Risk Reduction Management Committees (BDRRMCs) para magsagawa ng preemptive at forced evacuation operation sa mga residenteng nakatira sa mabababang lugar at malapit sa ilog.

Umaasiste ngayon ang Barangay officials at Philippine National Police sa evacuation activity.

Ang mga identified evacuation centers sa lungsod ay ang Annafunan Elementary School, Cataggaman Parado Barangay Hall, East Central Elementary School, Balzain Elementary School, North Central Elementary School, Eric Auto supply, PTU Don Domingo, Balzain East Day Care. Gosi National High School, Gosi Norte Barangay Hall at Larion Bajo Barangay Hall, kung saan isinasagawa sa kasalukuyan ang evacuation activities . (AI/FC/MTVN/EM)

Leave a Reply