4x SEAG champ Eric Cray, tutok sa Olympics 400m hurdles

4x SEAG champ Eric Cray, tutok sa Olympics 400m hurdles

Ni Kyle Encarnacion

MANILA– Hangad ni Eric Shauwn Cray, na nagwagi ng apat na sunod na gintong medalya sa 400m hurdles event noong nakalipas na 30th Southeast Asian Games, na mapatunayan ang kanyang kakayahan at maranasang magwagi ng dagdag pang medalya para sa bansa sa pagsabak nito sa Olympic qualifying events tungo sa pagkuwalipika sa Tokyo Summer Games 2021.

Aminado si Cray na limitado ang ensayo dahil sa coronavirus pandemic ngunit patuloy pa rin ang pagpapakundisyon ng 32-anyos habang nasa lugar nito sa Texas, base na rin sa pagsunod sa ipinapatupad na polisiya ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).

“Been keeping myself in good condition and always ready anytime for call,” sabi ni Cray, na nagwagi ng ginto para sa Pilipinas sa 400m hurdles sa SEA Games simula 2013 hanggang 2019.

Isa si Cray sa mga ipinagmamalaki ng PATAFA na makakapagkuwalipika sa kada apat na taon na torneo at makakapagbitbit sa bandila ng bansa sa 31st SEA Games sa Vietnam at sa 2022 Asian Games sa China.

Nagawang itala ni Cray ang SEA Games record na 49.40 seconds noong 2015 bago pinabilis ang SEA record sa 48.98s noong 2016.

Asam ni Cray na maabot ang 48.90 qualifying standard para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo sa 400m hurdles.

Ang personal best nito na 48.98s ay naitala noong 2016 sa World Challenge sa Madrid. Nagawa naman nito na makatuntong sa semifinals ng Rio Olympics. (FC/MTVN)

Leave a Reply