1 taong palugit sapat na para makahanap ng bagong negosyo kapalit ng paputok — Malacanang

1 taong palugit sapat na para makahanap ng bagong negosyo kapalit ng paputok — Malacanang

MANILA – Naniniwala ang Palasyo na sapat na ang isang taon para sa mga gumagawa ng paputok na maghanap ng bagong trabaho bilang paghahanda sa pagpapatupad ng firecracker ban sa 2021.

Ito ang iginiit ni presidential spokesperson Harry Roque matapos ulitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagnanais niyang ipagbawal ang paputok sa susunod na taon para sa kaligtasan ng sambayanan.

Ayon kay Roque, nauunawaan ng Pangulo ang kalagayan ng mga gumagawa ng paputok kaya binigyan sila ng isang taong palugit para maghanap ng bagong pagkakakitaan.

“Pinagbigyan naman po nga nga itong manggagawang ito ng isa pang taon. Sa loob ng isang taon na ito, inaasahan natin na hahanap na po ang mga apektadong manggagawa ng alternatibong hanapbuhay,” wika ni Roque.

Nais ni Duterte na ipatupad sa buong bansa ang ginawang pagbabawal sa paputok noong panahon niya bilang Mayor ng Davao City.

“Inihalintulad po ni Presidente yung ginawa niya sa Davao na absolute ban talaga sa firecrackers. So ‘yan po ang nasa isip ng Presidente,” sabi pa ni Roque.

Suportado naman ng mga alkalde ng Metro Manila at Department of the Interior and Local Government (DILG) ng planong ito ng Pangulo.

Bilang kapalit, itataguyod ng DILG ang tinatawag na centralized fireworks displays upang mabawasan ang aksidente. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply