Phoenix coach Topex Robinson, out sa kontrata ni Calvin

Phoenix coach Topex Robinson, out sa kontrata ni Calvin

By Kyle Encarnacion

MANILA — Aminado si Phoenix coach Michael “Topex” Robinson na wala itong detalye at hindi kabilang sa naging negosasyon sa pagitan ng pamunuan at manlalaro ng Super LPG Fuel Masters si Calvin Abueva.

Sinabi ni Robinson, na pumalit kay Louie Alas sa pagiging head coach ng Fuel Masters, na hindi nito alam ang ulat sa nakatakdang pagpirma ni “The Beast” sa tatlong taong dagdag na kontrata na nagkakahalaga ng P15-milyon.

“I have no idea pa po about it. Thank you,” tanging sagot ni Robinson.

Nakatakdang pirmahan ni Abueva at pamunuan ng Phoenix ang deal anumang araw ngayong linggo.

Makakamit ng 32-anyos na si Abueva ang inaasahang maximum salary sa liga.

Una nang pinatawan ng suspensiyon si Abueva sa loob ng 16 na buwan bago nakabalik sa liga sa nakalipas na isinagawa na bubble sa Angeles University Foundation (AUF) sa Angeles, Pampanga.

Ipinamalas ni Abueva matapos na makabalik sa liga ang tunay na kapasidad sa pagpapakita ng intensidad bagaman kontrolado na nito ang paglalaro para sa Phoenix at nagawang maitulak ang Fuel Masters tungo sa semis.

Kinapos ang Phoenix kontra sa TNT sa loob ng matira-matibay na limang laro.

Napag-alaman sa ilang sources na mga agent na nagkasundo si Abueva at pamunuan ng Phoenix na panatiliin ang serbisyo ng dating San Sebastian Stags sa panibagong deal na nakatakdang pirmahan sa loob nitong Linggo.

Bagaman, hindi ipinabatid ang laman ng kontrata, ang 32-anyos na si Abueva ay tatanggap ng maximum salary na pinapayagan ng liga o garantisadong P416,000 libo kada buwan.

Tatanggap si Abueva ng P5-milyon kada taon habang garantisado din ang P13-libo nito kada araw mayroon man o walang laro.

Malaking desisyon din ang ginawa ng pamunuan ng Phoenix na bigyan nito ng garantisadong kontrata si Abueva na una nang nasuspinde ng 16 buwan dahil sa pagkakasangkot sa iba’t-ibang insidente.

Gayunman, matapos na sumailalim sa iba’t-ibang pamamaraan ng pagdidisiplina ay nakabalik ang mula Pampanga na si Abueva at agad na nakapagtala ng triple-double at halos naitulak ang Phoenix sa isang panalo na lamang para sa kauna-unanan nitong pagtuntong sa PBA Finals.

Kasalukuyan din itong nasa ikalawang puwesto sa players’ statistical race sa itinala na 37.1 statistical points at nakikipag-agawan para sa karangalan bilang Best Player of the Conference kontra Bobby Ray Parks ng TNT. (AI/MTVN)

Leave a Reply