Bato, Año : Bitay dapat sa pulis na dawit sa heinous crimes

Bato, Año : Bitay dapat sa pulis na dawit sa heinous crimes

MANILA — Kung si Interior Secretary Eduardo Año lamang ang masusunod, nais niyang patawan ng parusang bitay ang mga pulis na sangkot sa karumal-dumal na krimen kung maibabalik ang death penalty sa bansa.

“Para sa akin, ang death penalty puwedeng i-impose sa drugs, ‘yung mga drug lord, drug syndicates at dito sa mga heinous crimes na ginawa ng mga pulis or men in uniform na dapat magpatupad eh sila ‘yung gumawa ng heinous crime, dapat death penalty ‘yan,” wika ni Ano.

Nabuhay ang pagsusulong ng death penalty kasunod ng pagpatay ng pulis na si Jonel Nuezca sa mag-inang Sonia at Frank Antonio Gregorio noong Linggo sa Paniqui, Tarlac.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Nuezca at dalawang biktima na humantong sa pamamaril ng pulis. Nahaharap na ang pulis sa dalawang kaso ng murder.

Para naman kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, isa sa mga nagsusulong sa pagbuhay ng death penalty, parusang bitay ang nararapat kay Nuezca.

“Yes, I believe in my heart, alam ko dapat death penalty ang parusa sa kaniya dahil very cold-blooded killing… I don’t see any enough provocation on the part of the victims. Sobra-sobra ang ginawa niya,” wika ng senador, na dati ring hepe ng Philippine National Police.

Isinusulong ni Dela Rosa ang pagbuhay sa death penalty bilang parusa sa high-level illegal drug traffickers.

Ngunit pabor din si Dela Rosa na isama ang iba pang panukala ng mga kapwa senador na layong patawan ng parusang bitay ang iba pang heinous crimes. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply