DOH: Wala pang ebidensiya na pinalalala ng bagong strain ang COVID-19

DOH: Wala pang ebidensiya na pinalalala ng bagong strain ang COVID-19

MANILA — Wala pang ebidensiya na pinalalala ng bagong strain ng virus na nakita sa United Kingdom ang epekto ng COVID-19 ayon kay Health Secretary Francisco Duque III kahapon, Miyerkules.

Ayon kay Duque, batay sa paunang pag-aaral ay pinatataas ng SARS-CoV-2 VUI 202012/01 (Variant Under Investigation, year 2020, month 12, variant 01) ang transmission rate ng COVID-19 ng 0.4 porsiyento.

Ang SARS-CoV-2 ay ang virus na pinagmumulan ng COVID-19.

“But there is no evidence yet showing that this can increase severity or virulence of COVID-19 nor affect the efficacy of the anti-COVID-19 vaccine,” paliwanag ni Duque.

Tiniyak naman ni Duque na nakaalerto na ang mga awtoridad upang mapigil ang pagpasok ng nasabing strain sa bansa.

Ban sa byahe

Ngayong araw, inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang ban ng mga biyahero mula United Kingdom mula Disyembre 24 hanggang 31, batay na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force.

“Pero wala po tayong ganun dito at hopefully hindi magkaroon,” pagtiyak ni Duque, na idinagdag pang may kakayahan ang Pilipinas na matukoy ang ganitong uri ng strain.

Ayon pa kay Duque, magpupulong ang Philippine Genome Center, Research Institute for Tropical Medicine at UP-NIH (National Institute of Health) upang alamin ang iba pang detalye ng bagong strain. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply