Duque determinadong linisin ang pangalan sa sablay na Pfizer deal sa senate investigation

Duque determinadong linisin ang pangalan sa sablay na Pfizer deal sa senate investigation

MANILA—Desidido si Health Secretary Francisco Duque III na patunayan sa napipintong imbestigasyon ng Senado na wala siyang kasalanan sa sumablay na negosasyon para sa supply ng bakuna para sa COVID-19 mula sa Pfizer.

Ayon kay Duque, mapapatunayan sa record na hindi siya ang dapat sisihin kung bakit di natuloy ang dapat sana’y pagdating ng 10 milyong dose ng bakuna sa Enero 2021.

Nakatakdang imbestigahan ng Senate Committee of the Whole sa susunod na buwan ang umano’y kapalpakan ni Duque kaya hindi natuloy ang transaksiyon.

Wala pang nakukuhang imbitasyon si Duque ngunit determinado siyang iprisinta ang mga hawak niyang dokumento na maglilinis sa kanyang pangalan sa isyu.

“We have documentation of everything that we did every step of the way. What we did was due diligence, made sure there were no onerous or disadvantageous provisions,” paliwanag ni Duque sa Kapihan sa Manila Bay forum.

Giit pa ni Duque, agad niyang inaksiyunan ang hinihinging confidentiality disclosure agreement (CDA) sa Pfizer ngunit muli niyang iginiit na walang nabanggit dito ukol sa pagsu-supply ng bakuna sa Pilipinas,

Sinisisi ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y kabagalan ni Duque kaya naunsiyami ang negosasyon sa Pfizer. Dahil dito, napunta sa Singapore ang bakunang dapat sana ay darating sa bansa sa susunod na buwan.

Magugunitang, mismong si DFA Secretary Teddyboy Locsin ang siyang naunang nag-post sa social media ng pagsasabing “someone dropped the ball” kung kaya’t hindi natuloy na mabigyan ng 10 milyong bakuna ang Pilipinas aniya. (FC/MTVN)

Leave a Reply