Pagsasayang lang at dagdag gastos pa sa pagtatanim ang sobrang binhi – DA-PhilRice

Pagsasayang lang at dagdag gastos pa sa pagtatanim ang sobrang binhi – DA-PhilRice

Ni BENJAMIN CUARESMA

MANILA – Binigyan diin ng Department of Agriculture-Phil. Rice Research Institute (PHILRICE) na malaking gastos lamang diumano sa pera at pagsasayang sa pagtatanim ang sobrang binhi ng palay para sa mga magsasaka sa Visayas at Luzon partikular sa mga nasalanta ng nagdaang sunod-sunod kalamidad.

Sapat na diumano ang kwarenta kilong inbred na binhi pasa sa isang ektarya na “Lipat-Tanim” habang animnapu (60) hanggang walong (8) kilong binhi naman para sa tinatawag na ” Sabog-Tanim.”

Idinagdag pa ng PhilRice na kailangan lamang siguraduhin na ang mga binhing gagamitin ay dekalidad at may minimum germination rate ng 85 percent.

Ayon pa kay Engr. Marvin Manalang, isang senior research specialist ng Phil.Rice ng Dept. of Agriculture (DA) sa pulong sa Balitaan sa Maynila na “wala umanong katotonan ang mga naglalabasang isyu na tataas ang ani ng mga palay kung maraming gagamiting binhi.”

Pinaalalahanan pa ng PhilRice ang mga magsasaka na magsisiksikan lamang ang tanim na palay at mag-aagawan ang mga tanim sa espasyo at pagkain na magreresulta lamang sa pagiging malamya at mahinang palay kung sobrang dami ng binhi na gagamitin.

Siguraduhin din daw diumano na malulusog ang mga punlang itatanim upang ito ay mas magiging matibay panlaban sa mga peste.

Giit pa ng ahensiya na mahalagang gabayan ang ating mga magsasaka sa agarang pagbangon sa sunod-sunod na bagyong nagdaan na sumalanta sa kanilang kabuhayan dagdag pa nito ay ang kinakaharap ng bansa sa laganap na pandemya.

Siniguro naman ng PhilRice na bukas ang kanilang tanggapan para sa karagdagang impormasyon at maaaring mag-text sa numerong 0917-1117423. (AI/MTVN)

Leave a Reply