DTI binalaan ang pekeng online buyers: Makukulong kayo!

DTI binalaan ang pekeng online buyers: Makukulong kayo!

MANILA — Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga manlolokong online buyers na posible silang makulong sa ginagawa nilang panloloko sa mga nagbebenta sa Internet.

Sa Laging Handa briefing, pinayuhan ni DTI Undersecretary Ruth Castelo ang online sellers na itago ang mga tawag at text messages mula sa mga pekeng buyers.

Ginawa ni Castelo ang pahayag bunsod ng dumaraming kaso ng panloloko sa mga rider ng food delivery service, kung saan biglang kina-cancel ang order o di kaya’y nagbibigay ng ibang address.

“I-save ninyo rin kasi this is estafa under the Revised Penal Code, so it’s punishable by imprisonment,” wika ni Castelo.

Idinagdag pa ni Castelo na handang tumanggap ng reklamo ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) at ipadadala ito sa Department of Justice (DOJ), para mapag-aralan kung maaaring sampahan ng kaso o hindi.

“Kailangan lang tulungan rin tayo ng complainant kung siya iyong seller or iyong food delivery platform na makapag-complain siya, mag-execute ng affidavit at makapag-complain. Tutulungan natin sila sa PNP or sa NBI,” paliwanag ni Castelo.

“Kaya babala rin doon sa mga buyers na nanloloko o iyong mga wala naman talagang planong bumili pero gusto ang makaagrabyado ng tao, kulong po ang penalty diyan kaya huwag na nilang ituloy or tigilan na nila iyong mga ganiyang gawain nila,” dagdag pa ng opisyal.

Kamakailan, may panukalang batas na inihain sa Kamara na nagbabawal sa kanselasyon ng order ng pagkain at grocery kapag ito’y bayad na, kung hawak na ng rider na maghahatid o kasalukuyan nang inihahatid sa bumili. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply