Killer cop nakiusap sa PNP: ‘Tulungan nyo po ang pamilya ko’

Killer cop nakiusap sa PNP: ‘Tulungan nyo po ang pamilya ko’

MANILA — Nakiusap si Police Staff Sgt. Jonel Nuezca sa Philippine National Police (PNP) na tulungan ang kanyang pamilya ngayong nakakulong na siya matapos patayin ang kapitbahay niyang mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo.

Walang inirekomendang piyansa para sa paglaya ni Nuezca, na binaril at napatay sina Sonia Gregorio at anak nitong si Frank sa gitna ng mainitang pagtatalo.

Sa isang report sa telebisyon, nakita si Nuezca na kausap si Police Regional Office 3 chief Brig. Gen. Val de Leon kung saan nagpahayag siya ng pagsisisi sa ginawang pagpaslang sa mag-ina na nakunan ng video.

“Sir, inaamin ko po yung pagkakamali ko. Sobrang emosyon. Nagsisisi po ako sa ginawa ko. Laking pagsisisi, Sir, unang una para sa pamilya ko, Sir,” wika ng pulis.

“Sir, sana matulungan niyo po ako… Sir para sa pamilya ko nalang po,” sabi pa ni Nuezca kay de Leon.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naharap sa asunto si Nuezca, na kinasuhan na ng grave misconduct dahil sa homicide subalit nadismis ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Noong 2014, nasuspinde na rin ang pulis ng isang buwan matapos tumangging sumailalim sa drug test.

Kamakailan lang, na-demote si Nuezca ng isang ranggo dahil sa kasong extortion na isinampa sa kanya noong 2014. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply