Pagsirit ng COVID-19 cases makikita sa unang 2 linggo ng Enero — OCTA

Pagsirit ng COVID-19 cases makikita sa unang 2 linggo ng Enero — OCTA

MANILA — Makikita ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa bunsod ng paglabas ng tao ngayong kapaskuhan sa unang dalawang linggo ng Enero, ayon sa isang eksperto ng OCTA Research.

“Hindi na tanong kung tataas but a question of when and how much. Siguradong tataas po. Wala nang kaduda-duda,” wika ni Ranjit Rye sa panayam sa radyo.

“Makikita natin ‘yan sa first o second week of January kasi may incubation period pa tayo,” dagdag pa niya.

Umaasa ang OCTA na magiging minimal lang o mababa sa 2,000 kaso bawat araw ang pagtaas. Kung hindi, sinabi ni Rye na masasagad na naman ang kapasidad ng mga ospital sa bansa.

“Ang hope namin below 2,000 cases a day, sana just above 1,000 okay na ‘yun kasi kakayanin ng hospital system natin ‘yun eh. Pero kapag umabot tayo ng 2,000 to 4,000 cases, wala na ho,” giit ni Rye.

Aniya, kung magpapabaya ang mga Pilipino sa mga susunod na araw, posibleng maging malaki ang bilang ng mga bagong kaso sa susunod na taon.

“Pero pwede hong in the next week or so, kung magpapabaya tayo o magkukumpiyansa eh baka tsunami ang mangyari,” dugtong pa ni Rye.

Batay sa tala ng Department of Health, naglaro mula 1,196 hanggang 2,122 ang bilang n bagong kaso sa nakalipas na pitong araw. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply