PBA target magpamudmod ng COVID-19 vaccine sa mahihirap

PBA target magpamudmod ng COVID-19 vaccine sa mahihirap

MANILA — Plano ng Philippine Basketball Association (PBA) na bumili ng bakuna para sa COVID-19 vaccine at ipamigay ito sa mahihirap, ayon kay commissioner Willie Marcial.

Sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum, inihayag ni Marcial na isusumite niya ang planong ito sa Board of Governors upang mapag-aralan at maisagawa kapag dumating na ang bakuna sa bansa.

“Ang balak nga namin, sasabihin ko rin sa Board, na kumuha rin kami ng vaccine, at para makapamigay din tayo,” wika ni Marcial.

Maliban sa mahihirap, sinabi ni Marcial na bibigyan din ng PBA ang mga frontliner at iba pang nangangailangan.

Ngunit nilinaw ni Marcial na nakadepende ang planong ito kung papayagan ng pamahalaan ang liga na bumili ng bakuna.

“Hindi pa nga namin alam kung magkano ang bakuna. Two, hindi ko pa alam kung papayagan kami ng government or ‘yung Pfizer man ‘yan o Moderna,” paliwanag ni Marcial.

“Ang gusto ko lang, sa akin, mabigyan ‘yung mga nangangailangan. Frontliners, mga matatanda, ‘yung mga nasa mahihirap na lugar. Hindi ko masabi, hindi ko pa alam kung magkano,” dugtong pa ng PBA chief. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply