Covid-19 Yearender: Sa karera ng vaccine, ‘Pinas namumurong mapag-iwanan

Covid-19 Yearender: Sa karera ng vaccine, ‘Pinas namumurong mapag-iwanan

Akda ni Fitzgerald Cecilio

MANILA — Ngayong may mga naaprubahang bakuna na kontra coronavirus disease 2019 (COVID), nagsimula na ang rambulan para sa gamot kontra sa virus na pumilay sa maraming ekonomiya, kabuhayan at pamumuhay sa buong mundo.

Nagsimula na ang pag-iniksiyon ng bakuna kontra COVID-19 sa ilang mayayamang bansa gaya ng Estados Unidos at United Kingdom.

Sa Southeast Asia, Singapore ang nangunguna sa karera dahil inaprubahan na nila ang paggamit ng Pfizer at BioNTech at magsisimula na ang pagbabakuna bago matapos ang taon.

Ang Indonesia, nakapag-order na ng 338 milyong dose mula sa limang developers, habang ang Malaysia ay nakakatiyak na ng 14 milyong dose, karamihan ay galing sa Pfizer.

Ang Vietnam, mayroong ginagawang sariling bakuna para sa COVID-19 na inaasahang lalabas sa unang bahagi ng 2021.

Accumulated, active cases

Sa mismong araw ng Pasko (25 December 2020), may kabuuang 467,601 bilang na ng mga nahawa sa coronavirus sa buong Pilipinas, 430,791 na ang gumaling, at 9,062 naman na ang bilang ng mga namatay.

Sa susunod na buwan o pagkatapos ng holidays, inaasahan ng health experts ng bansa na tumaas muli ang bilang ng mga kaso ng Covid dahil sa mas maraming kaganapan sa paghahanda ng Pasko at New Year.

Ang active cases ng Pilipinas sa coronavirus ay nasa 27,748 matapos iawas ang mga gumaling ang mga yumao na sa Covid-19.

Target ng pamahalaang Duterte na makapagbakuna ng 20 milyon hanggang 30 milyong Pilipino.

Subalit sa ngayon, tila napakaimposible nito dahil nakakatiyak na tayo ng 2.6 milyong dose mula sa AstraZeneca ngunit ito’y inisyatibo ng pribadong sektor.

Isa pa, sapat lang ito sa 1.3 milyong Pilipino.

Marami rin ng nadismaya nang ibuking ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na may isang opisyal ng pamahalaan ang sumablay sa negosasyon para makakuha ang bansa ng 10 milyong dose ng bakuna ng Pfizer sa Enero ng susunod na taon.

Ngayon, nagkukumahog ang mga opisyal ng pamahalaan kung saan kukuha ng pampuno sa nawalang bakuna ng Pfizer.

Sablay sa negosasyon

Si Secretary Locsin, gumagawa pa rin ng paraan para mabawi ang bahagi ng nawalang bakuna ng Pfizer sa tulong na rin ng State Department.

Subalit, magpahanggang sa ngayon, wala pa rin itong kasiguruhan, lalo pa’t napunta na ang dapat nakalaan sa atin na 10 milyong dose sa Singapore.

Maliban sa Pfizer, sisimulan din ng Pilipinas ang negosasyon sa American biopharmaceutical firm Moderna Inc. bago matapos ang taon para makakuha ng bakuna.

Anumang araw din mula ngayon, nakatakda nang maplantsa ang kasunduan ng Pilipinas at Sinovac ng China para sa pagbili ng 25 milyong dose ng bakuna.

Nais ng pamahalaan na maayos na ang kasunduan sa Sinovac upang dumating na sa bansa ang bakuna sa Marso ng 2021.

Nakakatiyak na rin umano ang Pilipinas ng 30 milyong dose ng Novavax na gawa naman sa India.

Kapag naayos na ang kasunduan bago matapos ang taon, maaari itong dumating sa bansa ng Hulyo 2021.

Sa ginawang pulong sa Malacanang noong Lunes, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez na kapag natuloy ang mga kasunduan, makatitiyak na ang bansa ng 60 milyong dose ng bakuna ngayong buwan (December).

Ikalawang bahagi ng 2021

Ayon kay Galvez, darating ang mga nasabing bakuna sa bansa sa ikalawa o ikatlong bahagi ng taong 2021.

Plano ng gobyerno na isagawa ang pagbabakuna sa pagitan ng tatlo hanggang limang taon, subalit iginiit ni Sen. Ralph Recto na dapat itong gawin sa loob lang ng dalawang taon upang manumbalik agad ang sigla ng ekonomiya.

Sa susunod na taon, Year of the Metal Ox, umaasa ang lahat ng Pilipino ay ang lahat ay maging “Oks” na sa mga kuko ng pandemya.

Ang lahat ay nakaabang sa pagnanais na ring manumbalik ang sigla ng negosyo at empleyo. (AI/MTVN)

Leave a Reply