Ilang item sa 2021 budget nakatakdang i-veto ni DU30 – Palasyo

Ilang item sa 2021 budget nakatakdang i-veto ni DU30 – Palasyo

MANILA — Nakatakdang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang item sa panukalang P4.506 trilyong national budget para sa 2021.

Ito ang inihayag ni presidential spokesman Harry Roque ngunit tumanggi itong banggitin kung anu-ano ang mga item na ibi-veto ng Pangulo.

“Sigurado po na magkakaroon po ng veto message,” wika ni Roque.

“Matagal na pong nakahanda ang ating DBM sa kanyang rekomendasyon at inaasahan din na aaprubahan din ng Presidente ‘yung mga naging rekomendasyon ng DBM,” dagdag pa ni Roque.

Una nang inanunsiyo ng Palasyo na pipirmahan ni Duterte ang 2021 budget sa Lunes (Disyembre 28) sa Davao City kung saan limang representatives na galing ng lower at upper chamber ang inaasahang dumalo bilang witness.

Kamakailan, ibinuking ni Senador Panfilo Lacson ang doble-dobleng item sa budget na dapat i-veto, kasama na ang hindi bababa sa 793 line items para sa multi-purpose buildings na may pondong P1 milyon bawat isa.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang dagdag na P28.348 bilyon sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH). (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply