Zubiri: Sayang ang pera ng bayan sa Sinovac na 50 porsiyento lang ang bisa

Zubiri: Sayang ang pera ng bayan sa Sinovac na 50 porsiyento lang ang bisa

MANILA — Iginiit ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri na sayang lang ang pera ng bayan kung ipupursige ng gobyerno ang pagbili ng bakuna na 50 porsiyento lang ang bisa laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Napaulat na nasa 50 porsiyento lang ang tinatawag na efficacy ng Sinovac, na gawa ng China, sa late-stage trial sa Brazil. Kung ikukumpara, nasa 95 porsiyento ang bisa ng bakunang gawa ng Pfizer at 90 porsiyento naman ang AstraZeneca sa late-stage trial.

Sa tatlong nabanggit na bakuna, pinakamahal pa ang Sinovac.

Ayon kay Zubiri, dapat ibatay ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagbili ng bakuna sa bisa, presyo at kung madali ang distribusyon nito.

“Safety of our people should come first, not the feelings of our Neighboring Friends,” wika ni Zubiri sa isang pahayag.

Idinagdag pa ng senador na kumpara sa Sinovac, mas malaki ang porsiyento ng bisa ng Pfizer at AstraZeneca, na kapwa ginagamit na sa maraming bansa.

Hindi katanggap-tanggap kay Zubiri ang 50 porsiyentong bisa dahil malaki ang tsansa na magkaroon pa rin ng COVID-19 ang isang tao kahit naturukan na ito ng Sinovac. (FC/MTVN)

Leave a Reply