‘Goodbye Covid,’ iba pang uri ng mga delikadong paputok mahigpit na binabantayan ng mga otoridad

‘Goodbye Covid,’ iba pang uri ng mga delikadong paputok mahigpit na binabantayan ng mga otoridad

Iyak sa sakit na nadarama ang isang biktima ng paputok habang dinadala sa emergency room ng isang ospital.

By Tracy Cabrera

MAYNILA — Habang naghahanda ang mga kababayan natin para salubungin ang Bagong Taon, naglabas ng babala ang mga awtoridad para paalalahanan ang publiko na umiwas sa paggamit ng mga paputok na pinagbabawal ng pamahalaan.

Para sa karamihan, naging kakaiba ang patapos nang taon kung kaya marami ang sinasabing naghahanap ng malakas na paputok upang makapagpaalam sa 2020 sa kabila ng paalala mula sa ating mga opisyal na iwaksi ang paggamit ng mga paputok at sa halip ay gamitin ang mga tambol, kaldero at kawali, glow stick at maging ang pagpapatugtog ng musika para iwan ang negatibong mga bagay sa nakaraang taon at salubungin ang 2021.

Sa Chinese Zodiac Calendar, ang 2021 ay itinuturing na Year of the Metal Ox.

Gayun man, sa gitna ng payo ng pamahalaan na itigil ang paggamit ng mga paputok, mayroon pa ring ilang mga negosyante na patagong nagbebenta ng nabanggit na mga produkto, partikular na yaong nakakapinsala at maaaring nakamamatay.

Sa Bocaue, ang tinaguriang firecracker capital ng bansa, yaong mga nagnanais na magpaalam sa 2020 nang may pabonggang paputok ay makakahanap ng kakaiba: isang paputok na naglalaman ng mahigit dalawang gramo ng pulbura—kaya nga itinakdang iligal—na kung tawagin ay ‘Goodbye Covid’ at nabibili mula PhP600 hanggang PhP1,000 bawat isa.

Pinaigting ng pulisya at mga lokal na awtoridad, ang kampanya laban sa ipinagbabawal na paputok upang maiwasan ang bilang ng napipinsala o namamat ay sa pagdiriwang ng pagpasok ng Bagong Taon.

Kamakailan ay inaresto ng pulisya ang nagtitinda ng mga paputok sa isang entrapment operation sa Barangay Binang II sa Bocaue.

Nadakip si Rhendel Siongco, 20, habang nagbebenta ng ‘Goodbye Philippines’, ‘Plapla’, ‘Kabasi’ at ‘Atomic’ na sadyang pinagbabawal.

Ang mga nasabing paputok na nakamkam mula kay Siongco ay nagmula sa isang factory na walang lisensya sa Sitio Bihunan sa nasabing barangay.

Ang nakumpiskang paputok ay kabilang sa 26 na kinategoryang ‘very hazardous’ ng Department of the Interior and Local Government, ayon kay Bulacan provincial police chief Colonel Lawrence Cajipe.

Nagbabala din si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa firecracker ban sa buong bansa sa muling pagsapit ng Kapaskuhan sa Disyembre sa susunod na taon.

Sa sandaling ipatupad ito, sinasabing ang polisiya ay papatay sa industriya ng paputok, partikular na ang nasa Bocaue.

Sinabi naman ng Pangulo na alam niya ang mga agam-agam ng mg gumagawa ng paputok, na nagpahayag na ng kanilang hinaing  sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay.

“I really understand you. I might even sympathize with you. Loss of earnings and you are driven out of business. But the problem is the higher duty of government to protect public interest, public health,” wika ng dating alkalde ng Davao City.

Samantala, sang-ayon din naman ang 17 alkalde ng Kalakhang Maynila sa pagbabawal ng mga paputok upang mabawasan ang mga mapipinsala o mamamatay kung ipagpapatuloy ang tradisyong may pasabog sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Gayunpaman, hinayag ni Bulacan governor Daniel Fernando na maaari pa ring makabili ng ilang mga paputok na hindi napapabilang sa ipinagbabawal ng pamahalaan.

Bilang reaksyon, sinabi ni Philippine Fireworks Association (PFA) president Joven Ong na naniniwala siyang gagamitin ang firecracker ban “para sa pakinabang ng yaong patuloy sa kanilang iligal na gawain” o hindi mga lisensyadong firecracker factories.

“Instead of a ban, the government should try to help us instead by catching these illegal manufacturers and smugglers,” pinunto ni Ong. (AI/MTVN)

Leave a Reply