Ang Commonwealth Avenue sa Quezon City

Ang Commonwealth Avenue sa Quezon City

Suporta sa anumang hakbang para mapagaaan ang daloy ng trapiko!

Baliktanaw sa Commonwealth Avenue: Dati itong Don Mariano Marcos Avenue na ipinangalan sa ama ng dating pangulong Ferdinand Marcos, at Lolo ni Bongbong Marcos, bago pinalitan ng Commonwealth Avenue, ang “widest” avenue sa bansa na may 6 to 18 lanes.

May 12.4 kilometers ang haba nito mula Elliptical Road sa Quezon Circle hanggang Quirino Avenue.

Dito sa kahabaan ng Commonweath matatagpuan ang central na simbahan ng Iglesia ni Cristo, ang bahagi ng University of the Philippines, ang gusali ng Sandiganbayan, ang St.Peter’s Church at ilan pang landmark.

Ito rin ang daan patungong Batasan Pambansa at mga karatig lugar tulad ng San Mateo Rizal at San Jose Del Monte City, Bulacan.

Hindi tulad ng EDSA na dumadaan sa maraming syudad ng Metro Manila ang kabuuang haba ng Commonwealth ay sakop ng Quezon City.

Sa loob ng maraming taon ay napakagaan ng daloy ng mga sasakyan sa commonwealth, maluwang ang traffic.

Kahit pa tinagurian nga itong “killer highway” noon dahil sa dami ng disgrasya na nagaganap sa kahabaan nito dahil sa kalayaan ng mga sasakyan na magpatulin ng takbo.

Noong 2008 samantalang Konsehal pa ang inyong lingkod ng QC, nagpanukala ako ng ordinansa na ipinasa sa Konseho ng lungsod na magkaroon ng 60-kilometer-per-hour limit ang takbo sa Commonwealth, bagay na ikinasuya naman ng ilang motorista. 

Sinangayunan naman ng MMDA ang nasabing panukala makalipas ang ilang taon.

Habang tumagal na pasikip nang pasikip ang daloy ng traffic sa EDSA – Board member pa lang ako ng LTFRB ay sinabi na natin na kailangan maiayos ang traffic sa Commonwealth kundi “Commonwealth will be the next EDSA”. 

Sinabi ko rin ito noong 2019 sa isang hearing sa Senado bilang Presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP).

Hindi na lang dami ng sasakyan ang problema sa Commonwealth pati na rin ang dami ng pasahero na nag-aabang ng public transport sa kahabaan nito.

Sa kahabaan ng Commonwealth mo matatagpuan ang pinaka populated na mga barangay ng Quezon City tulad ng Batasan, barangay Commonwealth, Holy Spirit, Matandang Balara, at ang major road papunta sa Culiat, Novaliches proper, Payatas, Bagong Silangan, Old Capitol Site, UP Campus, at marami pang iba.

Sa araw-araw ay daang libong pasahero ang nanggagaling sa mga nabanggit na lugar at idagdag pa ang mga galing Bulacan at Rodriguez at San Mateo, Rizal.

Kaya talagang kakailanganin ang mas maraming public transport dito. Sa ngayon ay lalong tumindi ang traffic dahil sa construction ng MRT. 

Mapapansin din ang pagka-imbudo ng kalsada pagdating na sa bandang lampas ng Doña Carmen kung saan ilang lanes na lang ang Commonwealth Avenue kaya mas matindi ang traffic papunta at galing sa Fairview.

Napakalaking hamon ang pagpapaluwag ng traffic sa Commonwealth at suportado ng LCSP ang anumang mga hakbang ng MMDA at ng QC government para mapaginhawa ang karanasan ng ating mga motorista sa mga kalsadang nabanggit, higit na sa Commonwealth Avenue. (AI/MTVN)

Leave a Reply