2nd autopsy kay Dacera baka may magandang resulta – DOJ chief

2nd autopsy kay Dacera baka may magandang resulta – DOJ chief

MANILA – Taliwas sa opinion ng ilang eksperto, kumbinsido si Justice Secretary Menardo Guevarra na may resulta pang makukuha na puwedeng gamitin sa kaso sa ikalawang autopsiya sa embalsamadong katawan ng flight attendant na si Christine Dacera.

Ginawa ni Guevarra ang pahayag matapos utusan ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng ikalawang autopsy sa bangkay ni Dacera, na natagpuang patay sa bathtub ng isang hotel sa Makati noong Enero 1.

Nagsagawa ng autopsy ang NBI sa katawan ni Dacera sa General Santos City isang araw bago ilibing ang flight attendant noong Linggo.

Ngunit inamin ni Guevarra na mahirap nang magsagawa ng ikalawang awtopsiya sa kasalukuyang kalagayan ng katawan ni Dacera.

“Totoo yun na medyo mahirap na, pero… possible pa. Kaya nga sila nagpunta roon. Kasi kung tingin nila ay wala nang pag-asa na may makuha pa dahil na-embalsamo na, e hindi na sila magtitiyaga na pumunta pa roon,” wika ni Guevarra.

“The mere fact na nagpunta sila roon is an indication that, and they have informed me, na meron pang chance na meron pang masilip doon sa mga organs, tissues na kukunin nila,” paliwanag pa niya.

Binigyan ni Gueverra ang NBI ng 10 araw para magsumite ng report ukol sa ikalawang awtopsiya. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply