MANILA — Maaaring di mapabilang sa darating na Philippine Basketball Association (PBA) Rookie Draft ang tatlong Fil-Am players na sinasabing may potensiyal na makuha sa unang round.
Ito’y dahil hindi pa nakakapagsumite ng kailangang dokumento para sa Draft sina Jason Brickman, Jeremiah Gray, and Brandon Ganuelas-Rosser, ayon sa kanilang agent na si Charlie Dy.
Sinabi ni Dy na hanggang ngayon, wala pang certificates of recognition mula sa Bureau of Immigration (BI) at affirmation from the Department of Justice (DOJ) ang tatlo kaya maaaring maapektuhan ang kanilang eligibility para sa Draft.
“They still have to submit the BI recognition and DOJ affirmation. Nag-submit kami ng application ni Brickman, Rosser and Gray, and I got a message the other day saying na they’re not eligible until they submit those requirements,” wika ni Dy sa isang panayam.
Ayon kay Dy, baka hindi umabot ang tatlo sa itinakdang deadline ng PBA sa Enero 27 para maisumite ang mga nasabing dokumento.
“Actually hindi na siya aabot eh. Kasi with the pandemic, they can’t even fly (here),” ani Dy.
Dahil dito, hindi makakasama ang tatlo sa pinal na listahan ng mga manlalaro sa PBA Draft na ilalabas sa Marso 12, dalawang araw bago ang virtual Draft.
Ayon kay Dy, malamang na maghintay na lang ng susunod na taon ang kanyang mga kliyente. (AI/FC/MTVN)