Ilang LGUs bibili ng bakuna vs COVID-19 sa AstraZeneca

Ilang LGUs bibili ng bakuna vs COVID-19 sa AstraZeneca

MANILA — Ilang lokal na pamahalaan na ang pumirma ng kasunduan sa AstraZeneca para sa maagang pagbili ng COVID-19 vaccine, kabilang ang Caloocan City, San Juan City, Vigan City at lalawigan ng Iloilo

Inanunsiyo ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan sa kanyang Facebook account na bibili ang siyudad ng hindi bababa sa 600,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine.

Patuloy ring makikipag-ugnayan ang Caloocan sa AstraZeneca at sa awtoridad para masigurong matatanggap nito ang supply kapag naaaprubahan na ng Food and Drug Administration ang paggamit nito.

Noong isang Linggo, nagsumite na ang AstraZeneca ng aplikasyon sa FDA para sa emergency use authorization (EUA) ng COVID-19 vaccine nito.

Pumirma rin si San Juan Mayor Francis Zamora ng tripartite agreement sa National Task Force against COVID-19 at AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna.

Ayon kay Zamora, sapat na ang inilaan nilang P50 milyon para sa mga residente na nais magpabakuna

Inanunsiyo rin ng Valenzuela City na nakatakda silang bumili ng 640,000 dose ng COVID-19 vaccine mula sa AstraZeneca.

Nakipagkasundo na rin si Vigan City Mayor Carlo Medina sa AstraZeneca para sa pagbili ng 100,000 hanggang 120,000 dose ng COVID-19 vaccine nito.

Lumagda na rin si Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr. sa isang multilateral agreement para sa pagbili ng inisyal na 270,000 doses ng bakuna ng AstraZeneca na nagkakahalaga ng $1,350,000. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply