MANILA—Inanunsiyo ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Debold Sinas na sibak na sa serbisyo si Police Master Sergeant Jonel Nuezca, ang pulis na pumatay sa kapitbahay nitong mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre.
Sa isang press conference, sinabi ni Sinas na epektibo ang pagtanggal kay Nuezca sa serbisyo simula ngayong araw.
“The dismissal was already implemented by the regional director of NCRPO (National Capital Region Police Office), Police Brigadier General Vic Danao,” wika ni Sinas.
“As to the criminal case ay ongoing na po ang criminal case…” dagdag pa niya
Magugunitang nakunan si Nuezca ng video habang binabaril ang mag-inang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio matapos ang mainitang pagtatalo.
Nagpasok ng not-guilty plea si Nuezca sa dalawang count ng murder sa arraignment at pre-trial ng kanyang kaso noong Enero 7. Gagawin ang susunod na hearing sa Pebrero 4. (FC/MTVN)