MANILA – Hindi puwedeng mamili ang mga Pilipinong tatanggap ng libreng bakuna sa kung anong tatak ang ibibigay sa kanila kapag nagsimula na ang pagbabakuna, ayon sa Malacanang.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, hindi mandatory ang libreng bakuna laban sa COVID-19 at kailangang pumirma ng waiver ang sinumang ayaw rito.
“Totoo po, mayroon tayong lahat na karapatan para sa mabuting kalusugan pero hindi naman po pupuwede na pihikan dahil napakaraming Pilipino na dapat turukan,” wika ni Roque.
“Wala pong pilian, wala kasing pilitan. Pero magsa-sign ka ng waiver na hindi ka nagpaturok at kapag ikaw ay mayroong prayoridad, siyempre mawawala ang prayoridad mo, sasama ka doon sa the rest ng taumbayan na naghihintay ng bakuna,” dagdag pa niya,
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon.
Subalit lumabas sa survey ng Pulse Asia na ginawa mula Nob. 23 hanggang Dis. 2 noong nakaraang taon na 32 porsiyento lang ng Pilipino ang payag magpabakuna laban sa COVID-19 habang 47 porsiyento naman ang tutol. (FC/MTVN)