MANILA – Inirekomenda ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang pagsibak sa serbisyo kay Jonel Nuezca sa pagpatay nito sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Sa isang mensahe sa reporters, kinumpirma ni IAS chief Alfegar Triambulo ang rekomendasyon na tanggalin si Nuezca bilang pulis.
“Dismissal from service. Recommendation lang naman papel ng IAS. Ang final say nasa kay Gen. Danao RD ng NCRPO kasi siya ang may disciplinary authority kay PSSG Nuezca,” wika ni Triambulo.
Ang tinutukoy ni Nuezca ay si Brigadier General Vicente Danao Jr., ang pinuno ng National Capital Region Police Office na siyang pinal na magdedesisyon kung aalisin si Nuezca sa serbisyo.
Binaril ni Nuezca ang mga kapitbahay nitong sina Sonya Rufino Gregorio at anak na si Frank Anthony habang nagtatalo noong Disyembre. Ang nasabing pagpatay ay nakunan pa ng video ng kaanak ng mga biktima.
Kahit pa may video ang kanyang ginawa, naghain pa rin si Nuezca ng “not guilty” plea sa arraignment ng kanyang kasong double murder noong Huwebes. (AI/FC/MTVN)