MANILA – Sisimulan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang saliva o “laway” COVID-19 tests sa 1,000 samples ngayong araw bilang bahagi ng kanilang pag-aaral hinggil sa accuracy nito, ayon sa isang opisyal.
Ayon kay Dr. Paulyn Ubial, pinuno ng PRC biomolecular laboratories, nakitang mas mura at may “95 percent concordance rate” sa RT-PCR test.
Sinabi ni Ubial na iprinisinta nila ito sa Department of Health (DOH) noon pang Oktubre ngunit ngayong buwan lang nakakuha ng sagot.
“At ngayon, pinapayagan nila tayo ilabas yung 1,000 additional samples na gagawin po natin simula kay Sen. (Richard) Gordon as our pilot implementation next week, umpisa ng Monday,” wika ni Ubial.
“Hopefully, makuha natin ang 1,000 samples at ma-send natin sa Department of Health next week,” dagdag pa niya.
Iginiit naman ni Sen. Richard Gordon, chairman ng PRC, na malaking tulong ito para sa Philhealth dahil imbes na P4,000 kada test ay P2,000 na lang ang gastos ng ahensya sa bawat test.
“Ito, imbis na P4,000 ang bayad, magiging P2,000 na lang. Baka ibaba pa natin yan kung talagang marami,” wika ng senador.
Sa huling tala, nakapagsagawa na ang PRC ng mahigit 1.6 milyong COVID-19 tests. (AI/FC/MTVN)