Tatlong daang libong doses ng Covid-19 vaccines ang makukuha ng lungsod ng Las Pinas.
Ito’y matapos pirmahan nitong Enero 11, 2021 ng local na pamahalaan at ang British drug maker na AstraZeneca nang isang tripartite contract katuwang ang pambansang gobyerno.
Sa isang press release, sinabi ni Las Pinas Mayor Mel Aguilar na ang pambansang gobyerno ang nagpasya sa alokasyon ng bakuna na 300,000 doses at inaasahang darating ang bakuna sa buwan ng Hulyo ngayong taon para mabakunahan ang mga residente ng lungsod.
Libreng ipamamahagi ang bakuna at prayoridad ng local na pamahalaan na maturukan ang mga front-liner kabilang ang mga medical at health care workers, kapulisan ng lungsod, senior citizens at ang vulnerable sector.
Una nang naglaan ng may P200-milyong piso ang lungsod ng Las Pinas na mula sa augmentation fund ng national government na syang gagamiting pangbili sa vaccines.
Umaasa rin ang local na pamahalaan na maglalaan pa ng karagdagang alokasyon sa bakuna ang pambansang gobyerno para sa mga residente ng Las Pinas. (MORES HERAMIS/AI/MTVN)