MANILA – Parang suntok sa buwan.
Ganito inilarawan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang inilatag na COVID-19 immunization plan ng pamahalaan sa Senado noong Lunes.
“Parang suntok sa buwan ang vaccination program lalo na ‘yung sinasabi nila na 148 million doses within the year. The arrival of the vaccines is not even definite,” wika ni Drilon sa isang pahayag.
Ayon ay Drilon, paano nasabi ng pamahalaan na makabibili sila ng 148 milyong dose bago matapos ang 2021 kung hanggang ngayon ay wala pa silang naibibigay na Emergency Use Authorization sa anumang bakuna.
Bukod pa rito, hindi pa rin nakakalap ng pamahalaan ang kailangang pondo na pambili ng bakuna mula sa loans.
Batay sa plano ng pamahalaan, target nilang mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon at ang pinakamaagang pagdating ng bakuna ay sa Pebrero 20, ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.
Hindi na nga kumbinsido sa kanyang narinig,sinabi ni Drilon na lalo pa siyang naguluhan sa planong iprinisinta ng gobyerno.
“The government’s COVID-19 vaccination plan fails to provide the public the assurance they need from the government,” ani Drilon. (AI/FC/MTVN)