MANILA — Nag-propose na sa aktres na si Ara Mina ang boyfriend niyang si Dave Almarinez na dating Board Member ng lalawigan ng Laguna.
Inanunsiyo ni Ara ang ilang larawan ng ginawang proposal ng boyfriend sa kanyang Instagram account.
“Today I have received the most perfect gift from God,” nakasaad sa caption ng mga larawang ibinahagi ni Ara. “A prayer I have always been sincerely trusting Him to bring into my life.”
Tinawag pa ni Ara si Almarinez bilang “answered prayer.”
Batay sa mga larawan ng Nice Print Photography, ang proposal ay ginawa sa isang lugar sa Laguna.
Nag-propose si Almarinez sa isang balkonahe na napaliligiran ng bulaklak at tanaw ang sign na nakasaad “Will you marry me?”
Si Almarinez ay pangulo at president and CEO ng kontrobersyal na Philippine International Trading Corporation (PITC).
Si Ara naman ay may anak na babae sa dating boyfriend na si Patrick Meneses. (AI/FC/MTVN)