Barangay Ginebra pag-aaralang maigi ang huhugutin sa PBA Draft

Barangay Ginebra pag-aaralang maigi ang huhugutin sa PBA Draft

MANILA – Pag-aaralang maigi ng Barangay Ginebra kung paano gagamitin ang kanilang first-round pick sa darating na Philippine Basketball Association (PBA) PBA Rookie Draft.

Bunsod ng kanilang kampeonato sa katatapos na 2020 PBA Philippine Cup, hawak ng Gin Kings ang ika-12 at huling pick sa unang round sa Draft na gagawin sa Marso 14.

Unang pipili ang TerraFirma Dyip na susundan ng NorthPort, Blackwater, NLEX, at Rain or Shine. Ikaanim ang Magnolia habang sunod ang Alaska, San Miguel Beer, Meralco, Phoenix Super LPG, TNT Tropang Giga, at Ginebra.

“From what I understand, this coming draft is supposed to be a deep draft,” wika ni Ginebra head coach Tim Cone.

“However, we are drafting at No. 12. It’s really hard to find a true impact player at that spot,” dagdag pa ng beteranong coach.

Ngunit dahil malalim ang darating na Draft, balak ni Cone na piliin ang pinakamagaling na manlalaro na kanilang aabutan, kahit ano pa ang posisyon nito.

Kabilang sa mga nagdeklara sa PBA Draft sina Alvin Pasaol, Franky Johnson, at Santi Santillan.

Nagsumite rin si Filipino-American point guard Jason Brickman ng pangalan ngunit hindi pa tiyak kung makakasama siya sa pinal na listahan ng pagpipilian dahil kulang pa ang naisusumite niyang dokumento sa liga.

Samantala, pinag-aaralan pa nina reigning NCAA Most Valuable Player Calvin Oftana ng San Beda University at De La Salle University center Justine Baltazar kung sasali sa PBA Draft.

May panahon pa silang mag-isip dahil sa Enero 27 pa ang deadline ng aplikasyon.(AI/FC/MTVN)

Leave a Reply