Epekto ng ‘Traslacion’ sa kaso ng COVID-19 malalaman sa loob ng 3 linggo

Epekto ng ‘Traslacion’ sa kaso ng COVID-19 malalaman sa loob ng 3 linggo

MANILA – Tatlong linggo pa ang hihintayin bago malaman kung sadyang may epekto ang Traslacion 2021 sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).

Sa isang press conference, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na binibilang nila ang 14 araw dahil ito ang tinatawag na incubation period ng virus.

Kaya hindi bababa ng tatlong linggo ang hihintayin para malaman kung mauuwi nga sa maraming kaso ng COVID-19 ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno noong Enero 9.

Sinabi pa ni Vergeire na napansin ng DOH ang pagtaas ng bilang ng kaso sa nakalipas na apat na araw kumpara sa seven-day moving average noong panahon ng kapaskuhan.

“This has to be interpreted cautiously kasi nga alam natin during the holiday period, medyo bumaba po ang laboratory output ‘no by as much as 30 percent,” wika ni Vergeire.

“So, ngayon lang po nagnu-normalize ang ating functions ng mga laboratories natin and this might have some effect ‘on the number of reported cases,” dugtong pa niya.

Aniya, isang linggo pa ang kailangan para makita ang totoong sitwasyon ukol sa paggalaw ng bilang ng kaso. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply