MANILA – Taliwas sa pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na inaasahang darating sa bansa ang COVID-19 vaccines mula Pfizer-BioNTech, Sinovac at AstraZeneca bago mag-Hunyo.
Bago rito, sinabi ni Roque na tanging ang Chinese vaccine na Sinovac lang ang tanging bakuna sa bansa maaaring gamitin hanggang Hunyo.
“Sa Pfizer po, nagkakaroon po tayo ng negotiation sa World Health Organization and Gavi na early deployment of Pfizer this February. Bibigyan po tayo ng go signal for early rollout. “Iyong vaccines under COVAX po, most likely, first and second quarter,” wika ni Galvez.
“Kausap ko rin po ang ambassador ng India, kasi iyong Serum Institute of India, sila po ang nagpo-produce ng Novovax, Bharat, AstraZeneca COVID-19 vaccines. Humiling po kami na mabigyan tayo ng pagkakataon na three to five million doses this first quarter para mabakunahan ang ating health workers,” dagdag pa ni Galvez.
Layon ng COVAX, isang inisyatibo na magkakasamang sinimulan ng Gavi, Coalition for Epidemic Preparedness Innovations (CEPI) at WHO, na madaliin ang paggawa ng COVID-19 vaccines at tiyaking patas ang pamamahagi nito sa bawat bansa sa mundo,
Kabilang sa COVID-19 vaccine portfolio ng COVAX ay ang Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Johnson & Johnson’s Janssen, at Novovax, at iba pa
“Iyong Johnson and Johnson, Gamaleya of Russia, mga third quarter pa po,” dugtong ni Galvez.
Target ng bansa na makapagbakuna ng 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon. (AI/FC/MTVN)