MANILA – Umabot ng P13.4 bilyon ang nagastos ng pamahalaang Duterte sa confidential, intelligence, and extraordinary funds (CIF) nito noong 2019, batay sa 2019 Annual Financial Report (AFR) ng Commission on Audit.
Ito’y mas mataas ng P2.03 bilyon sa ginastos ng gobyerno noong 2018.
Batay sa 463-pahinang 2019 Annual Financial Report, umabot ng gastos sa intelligence fund ng gobyerno sa P6.12 billion, habang P4.77 bilyon naman ang extraordinary at miscellaneous expenses.
Ang confidential expenses ng pamahalaan ay umabot naman sa P2.57 bilyon.
Ito ang ikaapat na taon na mas mataas ang ginastos ng Duterte administration sa kanilang CIF kumpara sa nakalipas na taon.
Mula sa P3.6 billion noong 2015, ang gastos sa CIF sa ilalim ni Duterte ay umakyat sa P4.4 bilyon noong 2016, P9.4 bilyon noong 2017 at P11.4 bilyon noong 2018. (AI/FC/MTVN)