MANILA – Itinanggi ng isang hotel sa Makati kung saan natagpuang patay si Christine Dacera noong Bagong Taon na nagbigay ito ng tinatawag na leisure accommodation sa flight attendant at mga kasama nito.
Natagpuang patay si Dacera sa bathtub ng City Garden Grand Hotel bandang 12:30 p.m. ng January 1, 2021.
Hinimok ng Department of Tourism ang naturang hotel, na gumaganap ding quarantine facility ng DOT, na mag-eksplika bakit si Dacera at mga kabibigan nito ay pinayagang makabook sa kanilang rooms.
Sa sagot nito sa Department of Tourism, sinabi ng City Garden Grand Hotel na nag-book si Dacera at mga kasama nito ng tatlong kuwarto (2207, 2209 at 2009) sa ilalim ng corporate accounts.
Ang corporate account ay negosyong malapit sa hotel o mga negosyong pinapayagang mag-book ng accommodation.
Ayon sa hotel, walang indikasyon na magkakakilala ang mga guest o nagpa-reserve sa intensiyong mag-party sa loob ng hotel.
Sa imbestigasyon ng hotel, ilang grupo na binubuo ng 9 hanggang sampu katao ang nakakalat sa tatlong magkakaibang kuwarto ngunit inaalam pa nila ang papel ng bawat tao sa pagtitipon.
“None of the guests was made known to our front office manager at any time throughout the day. These visitors could only have gained access to guest floors with the aid of registered guests, in violation of hotel policies prohibiting such gatherings,” wika ng hotel.
Itinanggi ng hotel na pinayagan nila ang pagsasagawa ng social events dahil isa lang ang bukas na restaurant na kalahati pa ang kapasidad. (AI/FC/MTVN)