MANILA – Pagsapit ng 2025, hindi na gagamit ng barya ang Pilipinas kundi lahat ng maliliit na transaksiyon ay sa pamamagitan na ng quick response (QR) codes na nakapaloob sa national identification system, ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno.
Sa isang panayam, sinabi ni Diokno na dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, napabilis ang pagsusulong ng bansa ng online financial transaction dahil kailangan na ang contactless payment solutions.
“Talking of cashless society, maybe not within my lifetime but I can assure you maybe a coinless society by 2025 for sure, because that will be replaced by the QR Code PH which we are pushing to get our national ID,” wika ni Diokno.
Pinangangasiwaan ng BSP ang pag-imprenta ng national ID, na may QR code sa likod, sa kapasidad na 154,000 cards bawat araw.
“As you know, the central bank is responsible for printing our national ID which will have a QR code at the back and that will accelerate the use of maybe small transactions, you can use that,” wika ni Diokno.
Noong 2018, naglabas ang BSP ng bagong design ng New Generation Currency (NGC) Coin Series sa P10, P5, P1, P0.25, P0.05, at P0.01.
Subalit sinabi ni Diokno na nais niyang gawin ang 50 porsiyento ng lahat ng transaction sa pamamagitan ng digital pagkatapos ng kanyang termino sa 2023, kung saan 70 porsiyento ng adult na Pinoy ay mayroon nang bank account. (AI/FC/MTVN)