File photo ni health undersecretary Maria Rosario Vergeire
Ni Tracy Cabrera
MANILA — Muling nagpaalala ang Department of Health (DoH) sa publiko laban sa pagwawalang-bahala sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Covid-19 at sa kabila ng inaasahang ‘roll out’ ng mga bakuna sa kalagitnaan ng susunod na buwan.
Hinimok ni health undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire ang mamamayan na huwag magsagawa ng kanilang personal na konklusyon dahil habang ang pagtaas ng mga impeksyon ay bahagyang humupa, hindi pa rin nakakalaya ang bansa sa krisis sanhi ng mga ulat na mayroon pa ring naitatalang mga bagong transmisyon ng sakit at pagkamatay ng ilan araw-araw.
Hinayag ni Vergeire na ang mga kaso ng Covid-19 ay sadyang tumaas sa nakalipas na apat na araw kung ihahambing sa pitong-araw na ‘moving average’ noong panahon ng Kapaskuhan at pagdiriwang ng Bagong Taon, subalit maaaring may kinalaman pa rin dito ang 30 porsyentong kabawasan sa laboratory output ng panahon ding iyon.
“It is only now that the functions of the laboratories are normalizing and this might have some effect on the number of reported cases. We want to look (at the numbers) for another week so that we can have a more accurate conclusion on the trends of cases here,” aniya sa press briefing sa Malakanyang.
Nitong Lunes, sinabi ni presidential spokesperson Atty. Harry Roque na ang pagtaas ng mga coronavirus infections sa mahigit 1,900 sa nakalipas na tatlong linggo ay isang indikasyon ng tinatawag na ‘holiday surge’.
Una rito, sinabi naman ni health secretary Francisco Duque III aabot pa sa kalagitnaan ng buwang kasalukuyan na masasabi ng Kagawaran ng Kalusugan kung ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon ay naging dahilan ng karagdagan pang coronavirus transmission o ang Kapistahan ng Itim na Nazareno kamakailan, na may potensyal na maging ‘superspreader’ ng sakit, ay nakadadag sa pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.
Ipinaliwanag ni Vergeire ang pagkabalam ng detalye o datos sa pagmo-monitor ng mga impeksyon at transmiston para sabihing ang novel coronavirus o nCoV na pinagmumulan ng Covid-19 ay mayroong incubation period na 14 araw kaya tumatagal ang determinasyon ng mga bagong kaganapan..
Samantala, tinukoy ni World Health Organization (WHO) Philippine representative Rabindra Abeyasinghe na ang kakulangan ng physical distancing noong holidays at Kapistahan ng Itim na Nazareno ay maaari ding naging dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga impeksyon.
“This kind of close contact will give rise for further transmission of the virus, for further infection of more people. So, it is inevitable that the Philippines is going to see an increase of cases,” pinunto ni Abeyasinghe.
Patuloy ang WHO sa adhikain nito ng maagang pagkilanlan ng mga kaso at gayun din ang contact tracing para mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
Sa huling talaan, inulat ng DoH ang karagdagang 1,524 coronavirus infection para umabot na sa kabuuang bilang na 491,258 ang kumpirmadong kaso ng Covid-19. (AI/MTVN)