MANILA – Sa halip na sagot, maraming tanong ang lumabas sa balitang nakakuha ang National Bureau of Investigation (NBI) ng urine sample sa katawan ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon sa forensic pathologist na si Dr. Racquel Fortun, dapat nagkaroon ng dokumentasyon sa pagkuha ng sample para maiwasan ang anumang kuwestiyon at isyu.
“Maraming tanong dyan. Totoo ba ‘yan? Anong nakuha nila? How much? How labeled? Kung ebidensya ‘to, at saka may chain of custody mo, so dapat walang question na hindi ‘yan yung nanggaling sa kanya,” wika ni Fortun.
“Baka napalitan, baka na-contaminate. Maraming issue dyan,” dagdag pa niya.
Kung totoo ngang nakakuha ang NBI ng urine sample, sinabi ni Fortun na ito’y nakagugulat dahil sinabi ng pulis na wala nang laman ang pantog ng flight attendand nang una itong in-autopsy.
“Bakit ni-report noong unang doktor na walang laman (ang bladder) and yet ‘yung second one, sabi meron…And that’s why ini-insist ko, labanan ‘yan ng documentation. Sino sa inyo ang nagsasabi ng totoo? Sino ang nambobola? Malaking bagay ‘yan,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Fortun na maaaring embalming fluid at hindi ihi ang nakuha sa pantog ni Dacera.
Dahil dito, ipinayo ni Fortun ang pagsuri sa proseso ng ginawang pag-embalsamo at sa unang autopsy sa katawan ni Dacera para malaman kung ano ang nakuhang likido sa katawan nito.
Noong Lunes, sinabi ng NBI na nakakuha sila ng 100 milliliters ng bodily fluids sa ikalawang autopsy sa bangkay ni Dacera na ginawa sa General Santos City bago ito ilibing. (AI/FC/MTVN)