MANILA – Naniniwala ang Malacañang na nakaimpluwensiya ang kontrobersiya ukol sa Dengvaxia sa pananaw ng mga Pilipino ukol sa Covax o bakuna laban sa COVID-19.
“Hindi po natin made-deny na mayroon pong influence iyan,” wika ni presidential spokesperson Harry Roque.
Nanawagan si Roque sa publiko sa mga nagpapakilalang eksperto sa bakuna, sa pagsasabing ang mga bakunang inaprubahan ng regulators at gingamit sa buong mundo ay ligtas at epektibo.
“Wala pong dahilan para matakot tayo sa mga ganyang bakuna,” wika ni Roque, na idinagdag pang dapat pagtiwalaan ang Food and Drug Administration ukol sa isyung ito.
Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III noong Lunes na magsasagawa ang ahensiya ng malawakang information campaign para mahikayat ang publiko na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito’y matapos lumitaw na 32 porsiyento lang ng Pilipino ang nais magpabakuna laban sa COVID-19, ayon sa survery ng Pulse Asia. (AI/FC/MTVN)