PH pipirma na bukas ng kasunduan sa AstraZeneca para sa 20M dose ng COVID-19 vaccine

PH pipirma na bukas ng kasunduan sa AstraZeneca para sa 20M dose ng COVID-19 vaccine

MANILA – Nakatakdang pumirma na bukas ang pamahalaan sa isang kasunduan sa British pharmaceutical firm na AstraZeneca para sa pagbili ng 20 milyong dose ng COVID-19 vaccine, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr.

“After the signing tomorrow, magkakaroon ng tripartite supply agreement na pipirmahan ng national government, LGU (local government units), at vaccine maker. Ang responsibility ng LGU ay to administer the vaccines,” wika ni Galvez.

“Iyong supply chain requirement, syringe, lata ng consumables, integrated po ang efforts ng LGUs, national government, at private sector. Kung ang isang LGU po ay 30% lang ang mabibili na bakuna gamit ang kanilang budget, national government po ang magpupuno nung 70%,” dagdag pa niya.

Ito’y hiwalay sa naunang tripartite agreement sa pagitan ng pamahalaan, pribadong sektor, at AstraZeneca para sa 2.6 milyong dose ng COVID-19 vaccine noong Nobyembre 2020.

Ang 2.6 milyong dose, na pinondohan ng pribadong sektor at ibinigay sa pamahalaan, ay maaaring gamitin sa isang milyong katao.

Una nang sinabi ni Galvez sa Senate hearing noong Lunes na 50,000 Pilipino ang mababakunahan na laban sa COVID-19 sa Pebrero. Target ng gobyerno na makapagbakuna ng 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply