Si President Rodrigo Roa Duterte sa meeting niya kahapon sa core group ng Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at bago siya magsaita sa mga tao sa Malacañang Golf (Malago) Clubhouse.
MANILA – Tataas ang pagtanggap ng taumbayan sa bakuna laban sa COVID-19 kapag nagpaturok si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko.
“Maganda po iyon. Alam natin na ang ating mahal na Presidente, 91 percent ang kaniyang tinatawag na popularity survey at iyon nga rin po ang nakikita namin na iyong public uptake po ng ating publiko sa vaccine ay tataas po,” wika ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez.
Ginawa ni Galvez ang pahayag sa harap ng resulta ng survey na nagpapakitang halos kalahati ng mga Pilipino ay nagdadalawang isip magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito’y sa kabila ng pagtiyak ng pamahalaan na ligtas at mabisa ang bibilhing bakuna na gagamitin sa bansa.
Ngunit sinabi ni Duterte sa kanyang public address noong Miyerkules na huli siyang magpapakuna laban sa COVID-19 kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan.
Kung milyon ‘yan (vaccine), magsabay-sabay na kayo, huli na kami. Kung may maiwan para sa amin kay (Senator) Bong (Go), kay (Secretary Delfin) Lorenzana, kung may maiwan eh di para sa atin, unahin natin sila,” wika ni Duterte.
Ito’y taliwas sa sinabi niya noong Agosto na una siyang magpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 at gagawin ito sa publiko. (AI/FC/MTVN)