President Duterte
MANILA – Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya ang local government units (LGUs) na pumili ng tatak ng bakuna na nais nilang bilhin para sa kanilang mamamayan.
“To the mayors and the governors, you can choose any vaccine you like to buy. Wala kaming pakialam kung ano ang pipiliin ninyo. Hindi kami makialam sa lahat ng bagay,” wika ni Duterte sa kanyang speech kagabi.

Ngunit pinaalalahanan ni Duterte ang mga opisyal ng LGU na dapat aprubado ng pambansang pamahalaan ang bibilhin nilang bakuna bago ito ibigay sa mga tao.
Hindi rin pupuwersahin ng gobyerno ang sinumang LGU na sumali sa vaccination campaign ng pambansang pamahalaan.
“We are not forcing anybody to join the cause of the national government. Hindi namin pinipilit na sumali kayo sa ibibigay na bakuna ng national government,” ani Duterte.
Marami ang LGU sa bansa ang naglaan ng pondo para sa pagbili ng bakuna para libreng ipamahagi sa kanilang mga residente.
Karamihan sa mga ito ay nakipagkasundo na sa AstraZeneca para sa supply ng bakuna kontra COVID-19. (AI/FC/MTVN)