PABA umaasang makakalaro si Tim Tebow sa qualifiers ng World Baseball Classic

PABA umaasang makakalaro si Tim Tebow sa qualifiers ng World Baseball Classic

MANILA – Umaasa ang mga opisyal ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) na makakapaglaro si dating NFL quarterback at minor league player Tim Tebow para sa Pilipinas sa qualifiers ng World Baseball Classic.

Kabilang si Tebow, na nakilala bilang quarterback ng Florida Gators sa NCAA at Denver Broncos sa NFL, sa line-up ng Pilipinas sa qualifying tournament noong Pebrero 2020 ngunit hindi natuloy dahil sa COVID-19 pandemic.

Kahit Amerikano ang mga magulang, puwedeng maglaro si Tebow para sa Pilipinas dahil dito siya isinilang noong 1987.

“In the World Baseball Classic, once we know the schedule, he will still remain for us as a potential player,” wika ni Pepe Muñoz, secretary-general ng PABA sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes.

Subalit sinabi ni Muñoz na nakasalalay ang pagsabak ni Tebow para sa Pilipinas sa schedule nito dahil naghahabol ang 33-anyos na dating quarterback ng puwesto sa Major League Baseball (MLB).

Hindi pa inihahayag ng MLB kung kailan gagawin ang qualifying tournament, kung saan may nakalaang dalawang puwesto sa 2021 World Baseball Classic na gagawin ngayong Marso.

Kasama ng Pilipinas sa grupo ang Britain, New Zealand, Spain, Panama at Czech Republic sa qualifiers. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply