MANILA – Nakararanas ng diskriminasyon ang mga residente ng Barangay Kamuning, Quezon City kung saan nakatira ang nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 ang isa nilang residente ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Sa isang press conference, ibinahagi ni Belmonte na sinabi sa kanya ng barangay captain ng Kamuning na hindi na pinapapasok ang ilang residente sa kanilang trabaho dahil sa insidente.
“Tumawag na sa akin kanina ang kapitan ng Barangay Kamuning at sinabi niya na napakarami sa kaniyang mamamayan ang takot na takot na, nangangamba na at marami din sa kanila ang di na pinayagang pumasok sa iba’t iba nilang tanggapan bilang mga empleyado,” wika ni Belmonte.
Ayon kay Belmonte, ang diskriminasyon ay nag-ugat sa maagang pag-anunsiyo ukol sa positibong test ng pasyente sa bagong uri ng COVID-19.
“In other words, they were not allowed to report for work. That is very very sad because this is lack of information and lack of education and lack of awareness that could have been curtailed or avoided have we been given the opportunity to inform the public properly about it,” ani Belmonte.
Paalala ni Belmonte sa mga employer, umiiral sa siyudad ang mga patakaran laban sa diskriminasyon at iginiit na walang batayan para i-discriminate ang mga residente ng Barangay Kamuning.
“Gusto ko ring ipaalam din sa mga employers ng iba’t ibang opisina, nauunawaan ko po kung kayo po ay nangangamba pero dito sa lungsod Quezon mayroon tayong tinatawag na anti-discrimination ordinance at isa po tayo sa lungsod na nagpasa nito sapagkat alam natin na because of ignorance, sometimes we do things that are uncalled or unjust for,” ani Belmonte. (AI/FC/MTVN)