UK Covid-19 strain nasa Pilipinas na – DOH

UK Covid-19 strain nasa Pilipinas na – DOH

MANILA – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Genome Center (PGC) na nasa Pilipinas na ang B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant)  matapos magpositibo sa nasabing strain ang isang Filipino na dumating mula United Arab Emirates (UAE) noong Enero 7.

Sa isang press release, sinabi ng DOH na ang pasyente ay isang lalakeng taga-Quezon City na umalis patungong Dubai noong Disyembre 27, 2020 para sa isang business trip at dumating sa Pilipinas noong Enero 7 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.

Ang pasyente ay na-swab at na-quarantine sa isang hotel pagdating ng bansa.

Lumabas ang kanyang positive test nang sumunod na araw at ipinasok siya sa isang quarantine facility sa Quezon City habang sinusuri ng PGC ang kanyang sample para sa UK variant.

Kasama ng pasyente sa kanyang biyahe ang isang babae, na nag-negatibo naman sa COVID-19 pagdating sa bansa. Ang nasabing babae ay naka-quarantine na at mahigpit na binabantayan.

Pareho silang hindi na-expose sa kumpirmadong kaso ng COVID-19 bago umalis patungong Dubai at kapwa hindi nagbiyahe sa labas ng Quezon City.

Nakakuha na rin ang DOH ng manifesto ng eroplanong sinakyan ng lalake para sa contact tracing. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply