MANILA – Nasa 78 porsiyento na o 125 pasahero na kasabay ng Pilipinong nagpositibo sa UK strain ng coronavirus ay nasa isolation na at naghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 test, ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
“We already contacted 146 of them [close contacts] at 125 po roon ang nagkaroon na tayo ng positive action. Nasa quarantine facilities na po sila,” wika ni Vergeire ngayong araw, dalawang araw matapos i-anunsiyo ng DOH na nasa bansa na ang bagong strain ng COVID-19.
“Iyong iba naka-home quarantine kasi nakapag-comply naman po sa requirements of being isolated in a room equipped with a restroom,” dugtong pa niya.
Subalit hindi pa rin makontak ng DOH ang natitira pang pasahero sa flight ng United Arab Emirates (UAE) dahil mali ang binigay na telepono o nire-reject ang tawag ng contact tracers. May kabuuang 159 pasahero ng nasabing flight.
Pinaalalahan ni Vergeire ang mga nasabing pasahero na makipagtulungan sa awtoridad upang hindi sila managot sa ilalim ng Republic Act 1132 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Humingi naman ng tulong ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, sa pamumuno ni Dr. Rolly Cruz, ng tulong mula sa Philippine National Police para sa contact tracing ng iba pang pasahero. (FC/MTVN)