9 pulis na dawit sa Jolo killings pinadadampot na

9 pulis na dawit sa Jolo killings pinadadampot na

MANILA – Inutos na ng Regional Trial Court (RTC) sa Jolo, Sulu ang pag-aresto sa siyam na pulis na inakusahang pumatay sa apat na sundalo sa nasabing lugar noong Hunyo ng nakaraang taon, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Inisyu ng korte ang arrest warrant noong Huwebes laban sa siyam sa kasong murder at pagtatanim ng ebidensiya, ayon kay Prosecution Attorney Honey Delgado, tagapagsalita ng Office of the Prosecutor General.

Sinabi pa ni Delgado na didinggin ng korte ang mosyon ng prosecutors na maglabas ng hold departure order (HDO) laban sa mga akusado ngayong araw upang hindi sila makalabas ng bansa.

Naantala ang paglabas ng arrest warrants dahil hindi makabalik sa korte ang hukom na nakatalaga rito dahil nasa ilalim ng COVID-19 lockdown ang Sulu mula Enero 4 hanggang 17 para hindi makapasok ang bagong uri ng COVID-19.

Tinanggal na sa pagkapulis ang mga akusado sa pagsisimula ng taon kaya napilitan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na sila’y pakawalan para makaiwas sa kasong illegal detention.

Ang mga akusado ay sina dating Senior M/Sgt. Abdelzhimar Padjiri; M/Sgt. Hanie Baddiri; S/Sgt. Iskandar Susulan; S/Sgt. Ernisar Sappal; Cpl. Sulki Andaki; Pat. Moh Nur Pasani; S/Sgt. Almudzrin Hadjaruddin; Pat. Alkajal Mandangan; at Pat. Rajiv Putalan.

Ang apat naman na mga napatay ay sina Maj. Marvin A. Indammog, 39; Capt. Irwin B. Managuelod, 33; Sgt. Jaime M. Velasco, 38, at Cpl. Abdal Asula, 33. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply