Duterte di kakapit-tuko sa puwesto pagkatapos ng termino

Duterte di kakapit-tuko sa puwesto pagkatapos ng termino

MANILA – Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang planong manatili sa puwesto pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 2022 sa harap ng pagkilos ng Kongreso na baguhin ang ilang probisyon ng Saligang Batas.

“Term extension. My God. Maski ibigay mo sa akin on a silver platter, maski ibigay mo sa akin libre another 10 years,” wika ni Duterte sa inagurasyon ng Metro Manila Skyway Stage 3 Project.

“Sabihin ko sa iyo p___ina mo, iyo na lang iyan. Tapos na ako,” dugtong pa ni Duterte.

Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi interesado si Duterte sa term extension.

Sinimulan na ng House Committee on Constitutional Amendments noong Miyerkules ang pagdinig sa panukalang amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa Senado naman, naghain sina Sens. Ronald “Bato” dela Rosa at Francis Tolentino ng resolusyon na humihiling sa Kamara at Senado na mag-convene bilang constituent assembly para amyendahan ang Saligang Batas partukular sa probisyong pang-negosyo. (AI/FC/MTVN)

Leave a Reply