MANILA — Makakaapekto ang tail-end ng frontal system sa silangang bahagi ng Southern Luzon habang apektado ang natitirang bahagi ng Luzon ng northeast monsoon, ayon sa forecast ng PAGASA ngayong araw.
Maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan ang iiral sa Bicol Region at Quezon dahil sa tail-end ng frontal system.
Nagbabala ang PAGASA na posibleng makaranas ng flash floods o landslides sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Makararanas naman ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region ng maulap na papawirin at mahinang pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon.
Sa Metro Manila at natitirang parte ng Luzon, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang mahinang pag-ulan ang mararanasan dahil sa northeast monsoon.
Sa Visayas at Mindanao naman, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang pag-ulan ang mararanasan dahil sa localized thunderstorms na posibleng may kaakibat na flash floods o landslides bunsod ng malakas na ulan. (AI/FC/MTVN)