MANILA – Pinalawig ng Pilipinas hanggang Enero 31, 2021 ang travel ban sa mga dayuhang biyahero mula sa 30 bansa upang mapigil ang pagkalat ng bagong uri ng coronavirus na unang nakita sa United Kingdom at sinasabing mas nakahahawa sa karaniwang COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ang extension ay inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Saklaw ng travel ban ang United Kingdom, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, China (kasama ang Hong Kong), Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea at South Africa.
Hindi rin puwedeng makapasok sa bansa ang mga dayuhang biyero galing Canada, Spain, United States, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, Austria, Pakistan, Jamaica, Luxembourg at Oman.
Dapat ay mag-e-expire ang travel ban ngayong araw.
Papayagan namang pumasok ang mga Filipino citizen ngunit kailangang sumailalim sila sa screening para sa COVID-19 at 14 araw na qurarantine sa isang pasilidad.
Kamakailan, nakita sa isang Pilipinong biyahero mula United Arab Emirates ang UK strain ng COVID-19. (AI/FC/MTVN)